Blabberings...

Ready, Get Set, Blog!!!

Tuesday, November 25, 2008

Ang araw ng taon

Ang bilis talaga ng panahon. Isang buwan nalang ang hihintayin, Pasko na naman. Pero bakit habang nadadagdagan ng isang numero ang gulang mo, unti-unti mo nang hindi maramdaman na parating na ang pinaka-aasam mong araw noong bata ka pa?

Tama nga ang sabi nila, "ang pasko ay para sa mga bata". Ang sarap maging bata 'no? Lagi mong inaabangan ang pagdating ng mga espesyal na araw gaya ng Pasko, Bagong Taon, bakasyon, at kaarawan. Habang papalapit nang papalapit yung araw na 'yon, nararamdaman mo ang sabik. Isama mo na rin dun ang walang kamatayan na Santa Claus. (Buti nalang, nabuko ko kaagad ang mommy ko).

Naalala ko pa noon, tuwing Pasko, nagba-bahay-bahay kami ng mga pinsan ko para humingi ng aguinaldo. Walang kaso sa amin kahit pa-piso piso lang ang bigay. Hindi naman namin aakalain na aabot sa 'sanlibo ang mapapamasko namin. Simpleng bagay lang 'yon na nagpapasaya ng Pasko naming lahat.

Ang sarap din ng pakiramdam tuwing naghihintay ng pagpatak ng alas dose ng gabi. Magkukumpol na ang buong pamilya sa paligid ng Christmas Tree kung saan nakalagay ang maraming-maraming regalo. Lahat ng bata, naghihintay matawag ang kanilang mga pangalan para sa mga regalo nila.

May isang bagay lang talaga na nakakapagod gawin--ang mag-mano sa lahat ng matatanda. Sa laki ng pamilya ko, buti nalang at 'di napudpod ang noo ko kaka-mano. Pero sulit naman, dahil matapos mag-mano, may P20 (P50 kung suswertihin) na akong pamasko.

Haaaayyy...ang sarap talagang maging bata sa ganitong panahon!

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home